Simula nang magsimula ang election period, dalawang katao na ang nahuli ng Cotabato City Police Office (CCPO) dahil sa paglabag sa umiiral na batas kaugnay ng halalan. Ayon kay PLt. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng CCPO, sa isang panayam ng Star FM Cotabato, ang dalawang indibidwal ay nahuli dahil sa pagdadala ng baril, na isang paglabag sa gun ban na mahigpit na ipinapatupad ngayong election period.

Ipinaliwanag ni Evangelista na ang gun ban ay bahagi ng mga ipinatutupad na hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lungsod bago, habang, at matapos ang halalan.

Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang mga checkpoints at iba pang strategic na lugar upang masigurong nasusunod ang mga alituntunin.

Sa kabila ng mga insidenteng ito, tiniyak ni Evangelista na walang dapat ipangamba ang mga mamamayan ng Cotabato City.

Aniya, lubos na handa ang Cotabato City PNP upang tiyakin ang maayos, ligtas, at mapayapang eleksyon.

Patuloy ding pinaaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na regulasyon at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may mapansing kahina-hinalang mga kilos o aktibidad na maaaring makagambala sa kaayusan ng lungsod.