Dalawang menor de edad na estudyante ang nahuli ng mga awtoridad matapos nilang magnakaw ng tsokolate sa KCC Mall sa Cotabato, nitong hapon ng Lunes.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay PLT. Rochelle Evangelista, tagapagsalita ng Cotabato City Police Office (CCPO), sinabi niyang tumugon ang mga tauhan ng City Police Station 1 sa tawag mula sa mall. Dito nila nakuha ang apat pirasong tsokolate na tinangay ng dalawang 13-anyos na bata.

Dahil dito, inaresto at dinala na sa kustodiya ng kapulisan ang dalawang kabataan. Ayon kay Evangelista, ipapatawag agad ang mga magulang ng mga bata upang ipaliwanag ang nangyaring insidente at ipabatid sa kanila ang mga posibleng parusa na maaaring kaharapin ng kanilang anak.

Sa huli, nagbigay ng paalala si PLT. Evangelista na mahalaga ang pagsubaybay ng mga magulang sa kanilang mga anak upang maiwasan ang masasamang impluwensya.

Nanawagan din siya sa mga paaralan na maging mas mahigpit sa pagsubok ng mga estudyante, upang hindi makalusot ang mga nagbabalak mag-cutting classes o magbulakbol.