Dalawang hinihinalang high-value individual (HVI) ang naaresto sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad sa Masagana Street, Barangay Poblacion 2, Cotabato City, bandang 12:50 ng tanghali nitong Hulyo 31, 2025.
Pinangunahan ng PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 15 (PNP DEG SOU-15) ang operasyon, sa pakikipagtulungan ng Station 1 ng Cotabato City Police Office, City Mobile Force Company (CMFC), City Drug Enforcement Unit (CDEU), 1404th Regional Mobile Force Battalion, Criminal Investigation Unit (CIU), at Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM (PDEA-BARMM), sa koordinasyon ng IMEG at RIU.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong pakete ng heat-sealed transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 50 gramo. Tinatayang aabot sa P340,000.00 ang Standard Drug Price (SDP) ng naturang droga.
Narekober din mula sa mga suspek ang ginamit na buy-bust money na binubuo ng isang tunay na ₱1,000 bill na ipinatong sa 204 na piraso ng ginayang ₱1,000, kasama pa ang iba pang perang papel sa iba’t ibang denominasyon. Nakumpiska rin ang dalawang android cellphone na Huawei brand, isa sa kulay itim at isa sa kulay navy blue na may light green na case, at isang silver Huawei tablet.
Ang imbentaryo at pagmamarka sa mga ebidensya ay isinagawa sa presensya ng mga kinatawan mula sa barangay at midya, bilang pagsunod sa tamang proseso ng batas. Naipabatid din sa mga suspek ang kanilang karapatang konstitusyonal sa paraang nauunawaan nila.
Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay dadalhin sa Regional Forensic Unit – BARMM para sa kaukulang laboratory examination, habang ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 1 ng Cotabato City para sa karampatang disposisyon at pansamantalang detensyon.