Inaresto ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group – Mindanao Field Unit (AKG-MFU) ang tatlong hinihinalang miyembro ng grupong kriminal ni Abdulpatac Maguid Pantacan, alyas Patac, sa isinagawang Joint Law Enforcement Support Operations (JLESO) bandang 1:25 ng madaling araw noong Mayo 9, 2025 sa Purok Sanginan, Barangay Mother Kalanganan, Cotabato City.
Si Patac ay pinaniniwalaang lider ng grupong sangkot sa carnapping, gun-for-hire activities, at pagpatay sa Cotabato City.
Sa pagsilbi ng warrant of arrest laban sa kanya, nadakip sina Khalid Saglayan alyas Arabo, alyas Bigboy/M’ro, at alyas Harris.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang caliber .45 1911 pistol at isang magazine na may limang bala. Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng AKG-MFU habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kumpirmado ng mga awtoridad na ang mga nahuli ay mga kasamahan ni Patac, na may kasong carnapping (Criminal Case No. 13934-2025) sa Koronadal City at sangkot sa mga gun-for-hire na aktibidad sa rehiyon.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng mga law enforcement agencies upang sugpuin ang kriminalidad at mapanatili ang seguridad lalo na ngayong papalapit na ang halalan.