Patuloy na minomonitor ng Integrated Provincial Health Office ng South Cotabato ang 2 suspected cases ng MPOX sa probinsya.
Ito ang inihayag ni Eldon Hans Serome, ang Health Education and Promotion Officer II ng IPHO- South Cotabato.
Ayon kay Serome, ang isang suspected case ay hindi residente ng South Cotabato at pumunta lamang ng probinsya upang magpa-konsulta at ang ikalawang kaso ay nagmula naman sa South Cotabato.
Inihayag din nito na ang dalawa ay nasa close monitoring na sa posibleng inpeksyon ng MPOX at na-isolate na rin ang mga ito. Sa kasalukuyan, napadala na ang mga specimen nito sa Research Institute for Tropical Medicine para sa confirmatory testing. Sa karagdagan, kasalukuyan na ring nagpapagaling ang mga naturang indibidwal.
Binigyang-diin naman ng IPHO- South Cotabato na kinakailangan maging kalmado ang publiko, vigilante, at alerto sa lahat ng pagkakataon. Kung may mga nararamdamang sintomas kagaya ng lagnat, rashes/blisters, at namamagang kulani ay ipag-bigay alam ito sa mga kinauukulan.
Nananawagan din si Eldon Hans Serome sa lahat na laging magsuot ng face mask kung pupunta sa mga pampublikong lugar, magsuot ng long sleeves at pantalon, at iwasan muna ang skin-to-skin contact upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing karamdaman.