Dalawang Korean nationals ang nasawi matapos mag-crash ang isang light aircraft sa gitna ng palayan sa Barangay Panalicsican, Concepcion, Tarlac, ngayong Sabado ng umaga, Oktubre 18.

Ayon sa mga otoridad, alas-11 pasado nang bumagsak ang eroplano ilang minuto matapos itong lumipad. Ang sasakyang panghimpapawid ay tumilapon sa taniman bago tuluyang bumagsak at nagkapira-piraso.

Kinilala ang lalaking biktima bilang residente ng Barangay Dau, Mabalacat, Pampanga, samantalang inaalam pa ng mga imbestigador ang pangalan ng babaeng kasama niya.

Mabilis na rumesponde ang mga rescue team at lokal na pulisya, ngunit pagdating sa Concepcion District Hospital ay idineklara nang wala nang buhay ang dalawang pasahero.

Inaalam ngayon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang tunay na sanhi ng trahedya, kabilang ang posibilidad ng mechanical failure o human error.