Dalawang lalaki ang naaresto sa bisa ng joint checkpoint operation sa Crossing Bubong, Mother Barangay Tamontaka, Cotabato City bandang alas-9:55 ng gabi nitong Hulyo 16, 2025, matapos maaktuhang may dalang hinihinalang ilegal na droga.
Kinilala ang mga suspek na sina Nursalah Angil Bangon at Rolly Ayao Bacalso, na parehong sakay ng isang puting Suzuki minivan na may plakang KAS 5029.
Sa ulat mula sa PS3 Station Commander, nagsagawa ng pinagsanib na checkpoint operation ang alert team ng Police Station 3 sa pangunguna ni PCPT Kenneth Van A. Encabo, katuwang ang 4th Maneuver Platoon ng Cotabato City Mobile Force Company (CMFC). Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Boglosa.
Habang iniinspeksyon ang naturang sasakyan, nakita sa plain view ang isang sachet ng pinatuyong dahon na pinaniniwalaang marijuana, dahilan upang agad na arestuhin ang dalawang suspek sa akto ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dinala na ang mga suspek sa kustodiya ng PS3 para sa masusing imbestigasyon at kaukulang disposisyon.