Dalawang lalaki ang naaresto ng mga operatiba ng Wao Municipal Police Station (MPS) matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isang checkpoint sa Purok 7, Barangay East Kili-kili, dakong alas-10:40 ng gabi noong Abril 24, 2025.

Pahinto patungong Bukidnon ang isang Honda XRM 125 na minamaneho ng isa sa mga suspek, kasama ang isang backrider, kapwa residente ng Barangay Bayabason, Maramag, Bukidnon.

Habang hinihingan ng mga pulis ng identification at pinatanggal ang helmet ng backrider, dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu ang nahulog sa lupa.

Agad na inaresto ang dalawa dahil sa kasong constructive possession.

Narekober din sa helmet ng isa sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na tatlong gramo at halagang ₱20,000. Kasama rin sa nakuha ang isang improvised tooter at ang ginamit nilang motorsiklo na may plakang K238CR.

Dinala ang mga suspek sa Wao District Hospital para sa medical examination at kasalukuyang nasa kustodiya ng Wao MPS para sa karampatang dokumentasyon at imbestigasyon.

Pinuri ni PCOL Robert S. Daculan, Provincial Director ng Lanao del Sur Provincial Police Office (LDSPPO), ang Wao MPS sa kanilang sigasig at dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at paglaban sa ilegal na droga.