Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkakakilala sa dalawang lalaki na natagpuang patay sa boundary ng Barangay Nalapaan at Barangay Panicupan sa Pikit, Cotabato. Pinaniniwalaang biktima sila ng summary execution.

Ayon sa mga unang nakakita, natagpuan ang mga bangkay na nakagapos ang mga kamay sa likod at may maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ngayon, patuloy pa ring tinutukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ang kanilang pinagmulan.

Base sa mga opisyal ng barangay, posibleng dinukot ang mga biktima at iniwan lamang sa lugar kung saan sila natagpuan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at Cotabato Provincial Police Office upang matukoy ang mga biktima at malaman ang motibo sa likod ng krimen.