Posibleng maging ganap na bagyo sa loob ng susunod na 24 oras ang dalawang Low Pressure Area (LPA) na kasalukuyang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.

Patuloy rin ang epekto ng Habagat o Southwest Monsoon na siyang nagpapadala ng maulap na kalangitan at malalakas na pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa. Apektado nito ang Metro Manila, CALABARZON, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, at Occidental Mindoro kung saan inaasahan ang malalakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide.

Samantala, makakaranas naman ng panaka-nakang pag-ulan ang Benguet, Tarlac, Marinduque, at Oriental Mindoro. Kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang posible rin sa Cagayan Valley, Visayas, nalalabing bahagi ng Luzon, at ilang lugar sa Mindanao.

Pinaalalahanan ng weather bureau ang publiko na maging mapagmatyag sa banta ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa tuwing may malalakas na thunderstorm.