Timbog ang isang tricyle driver matapos ito masakote sa ikinasang Anti-Illegal drug buy-bust operation ng Bagumbayan MPS sa bahagi ng Prk. Dela Pena, Brgy. Tuka, Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Nakuhanan ang di pa pinangalanang suspek ng tinatayang P127,000 ng iligal na shabu at isang P1,000 bill na ginamit bilang marked money ng pulis na nagpanggap na Poseur Buyer.

Ayon sa pulisya, matagal nang minamanmanan operatiba ang naturang suspek dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na bentahan ng droga sa bayan.

Sa magkahiwalay na Anti-Illegal drug buy-bust operation sa bayan ng Esperanza sa parehong lalawigan, arestado rin ang isang negosyante matapos makumpiskahan ng dalawang malalaking sachet at jumbo size na pinaghihinalaang shabu, buybust money na nagkakahalaga ng P1,000 at cellphone na ginagamit nito sa kanyang iligal na transaksyon.

Parehong sasampahan ng kasong may kinalaman sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang drug suspek.

Samantala, inihayag ni Sultan Kudarat Police Provincial Office (SKPPO) – Acting Provincial Director (SKPPO) na inatasan na nito ang lahat ng hepe ng bawat himpilan ng lalawigan na tutukang mabuti ang problema sa droga sa kanilang nasasakupan nang sa gayon ay mapanatiling drug-free at maayos ang nasabing lalawigan.