Mabilis na nilamon ng apoy ang higit isandaang (100) kabayahayan sa Purok Usman, Poblacion 7, Cotabato City mag-aalas dose ng umaga nitong Biyernes.

Ayon kay FO2 Anthony Henilo, tagapagsalita ng Cotabato City Fire Station, mabilis na nirespondehan ng kanilang hanay ang insidente ngunit dahil dikit-dikit ang kabahayaan at mayorya dito ay gawa sa light materials dahilan upang mabilis kumalat ang apoy sa naturang lugar.

Dagdag pa nito, ang lugar sa Población 7 ay matatagpuan sa tabing ilog, malakas umano ang ihip ng hangin dahilan para mas lumiyab pa ang apoy.

Nahirapan din umanong pasukin ito ng mga bumbero dahil sa makitid na daan papasok sa apektadong area.

Sa inisyal na pagtataya ng Cotabato City BFP, nasa 150 na pamilya ang apektado at nasa P750,000 ang danyos na idinulot ng malawakang sunog.

Idineklarang ‘fired out’ ang insidente pasado ala una na ng hapon.

Pagsapit ng alas kwatro ng hapon sa parehong araw, isa namang ‘fire incident’ ang mabilis na nirespondehan ng hanay ng Pamatay Sunog sa Pansacala St., Rosary Heights 10 nitong lungsod, na kung saan sa inisyal na Arson Investigation ng BFP naiwang kuryente ang dahilan ng sunog.

Tinatayang apektado ang limang (5) kabahayaan sa lugar at nag-iwan ng P54,000 na danyos.

Payo ni FO2 Henilo sa publiko, maging alerto at maging maingat sa paggamit ng mga de kuryenteng kagamitan at ugaliing ‘i-unplugged’ kapag hindi ito ginagamit.

Dagdag pa nito, na imbis unahin ang ‘facebook live’, i-report o tumawag agad sa kanilang himpilan upang mas maagang marespondehan ang mga insidente ng sunog.