Niratrat ng bala hanggang sa mapatay ang dalawang menor de edad sa sinasakyan nitong sports car na kulay puti at itim na may plakang XPT 967 kahapon ng hapon sa bahagi ng Barangay Labu-labu, bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur.

Sa ulat ng kapulisan, kinilala nito ang mga biktima na sina Johari at Hamod Moksin, menor de edad at residente sa bayan ng Mamasapano. Sa imbestigasyon ng kapulisan, walang planong buhayin ng gunman ang dalawang biktima dahil narekober ang aabot sa 40 na basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.

Nasapul naman sa video ng mga residente ang kalunos lunos na sinapit ng mga bata na kung saan pinaulanan ito ng bala ng dalawang indibidual na nasa likurang bahagi ng sasakyan.

Nakatakas naman ang driver bago pa man na mabaril ito ng mga suspek. Dead on arrival naman ang dalawang menor de edad ng isugod ito sa ospital.

Iniimbestigahan na sa mga oras na ito ang motibo maging ang pagkakakilanlan ng mga suspek na responsable sa krimen.