Dalawang lalaki ang patay habang sugatan naman ang isang menor de edad na babae matapos silang paulanan ng bala ng mga di pa tukoy na suspek sa kalye ng Manday, MB Bagua, Cotabato City kahapon.

Kinilala ni Station 4 Commander PCapt. Eduardo Malicdem ang isa sa namatay na si Jonas Tampla, isang habal driver.

Base sa inisyal na ulat ng kapulisan, pauwi na sana si Tampla ng kanilang bahay sakay ng motor nito ngunit pagdating sa lugar ay nilapitan ito ng riding in tandem sabay binaril dahilan upang magtamo ito ng apat na tama ng baril sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, patay din ang damay-sibilyan sa barilan na kinilalang si Raynon Esgan na nagtamo ng bala sa dibdib habang tinamaan sa paa ang menor de edad na si Saina Tanghayan.

18 na basyo ng bala na galing sa kalibre 45 pistola ang narekober ng autoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ngayon patuloy pang inaalam ng mga kapulisan ang motibo sa pamamaril.