Patay ang dalawang katao habang labing-apat ang sugatan matapos mawalan ng preno at sumalpok sa anim na sasakyan ang isang delivery truck sa kahabaan ng National Highway sa Dumalinao, Zamboanga del Sur pasado alas-diyes ng umaga, araw ng Sabado, Abril 19, 2025.
Sa ulat ng Dumalinao PNP, minamaneho ng 29-anyos na si Ricky, kasama ang kanyang kasalitan na si Danilo, ang nasabing truck na patungo sana sa Pagadian City nang mawalan umano ito ng preno.
Unang nasalpok ng truck ang isang Nissan Navara na minamaneho ni Edgar. Sa lakas ng impact, nasawi ang senior citizen na pasahero nitong si Lolita, 70 anyos, habang sugatan naman ang 16-anyos na si Lyka.
Hindi lang dito nagtapos ang trahedya—nadamay rin sa salpukan ang isang Isuzu Mini Van, Isuzu Bongo Truck, isang motorsiklo, at dalawang pampasaherong tricycle.
Sa kabuuan, labing-apat ang sugatan habang dalawa ang nasawi—kabilang si Lolita at isang dispatcher na si Rene.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.