Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, gabi ng Setyembre 2.

Unang insidente ang naitala alas-9:20 ng gabi sa Barangay Tanuel kung saan binaril si Kamarudin Suga Salik, 22 anyos, residente ng naturang barangay. Ayon sa ulat ng pulisya, nakatayo sa labas ng bahay ng kanyang ama ang biktima nang dumating ang mga hindi pa nakikilalang suspek sakay ng isang mini van at pinaputukan siya.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Salik at agad na isinugod sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC) ngunit hindi na rin siya umabot nang buhay. Sa lugar ng krimen, narekober ang walong basyo ng bala ng 5.56mm rifle at dalawang basyo mula sa caliber .45 pistol. Tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.

Makalipas ang mahigit isang oras, alas-10:42 ng gabi, muling nagkaroon ng insidente ng pamamaril sa Sitio Sapot, Barangay Baka. Biktima naman dito si Zabiri Samama Malaguial, 35 anyos, na binaril ng mga hindi pa rin nakikilalang suspek habang nasa loob ng kanyang bahay.Isinugod pa sa CRMC si Malaguial ng kanyang pamilya subalit idineklarang dead on arrival. Sa crime scene, nakarekober ang pulisya ng pitong basyo ng bala ng 5.56mm.

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation at imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police upang matukoy at maaresto ang mga responsable. Hanggang ngayon ay inaalam pa ang motibo sa magkasunod na pamamaril.