Nasawi ang dalawang security personnel ng isang negosyante, habang dalawang pulis mula sa 1203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 12 ang sugatan, matapos ang pagsisilbi ng search warrant sa Purok Gumasak, Barangay Bulakanon, Makilala, Cotabato, madaling araw ng Huwebes, Agosto 14, 2025.
Kinilala ang mga sugatang pulis na sina Police Corporal Jayson A. Jungco, 29, at Patrolman Christian A. Neyra, 27, kapwa nakatalaga sa 1203rd Maneuver Company.
Kasalukuyang nagpapagamot si PCpl Jungco sa Amas Provincial Hospital sa Kidapawan City, habang nasa maayos na kondisyon na si Pat. Neyra matapos magtamo ng sugat sa kamay.
Batay sa ulat ng Makilala Municipal Police Station, naunang nagpaputok ang mga security personnel ng target ng operasyon na si Ramon Floresta, isang negosyante dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammuniton Regulation Act, dahilan upang gumanti ng putok ang mga operatiba.
Nauwi ito sa pagkasawi ng dalawang security personnel na kinilala lamang sa alyas na sina Ryan at Paul na pawang mga kasapi g Philippine Army batay sa mga idetification cards na nakuha sa crime scene.
Nakuha sa bahay ng target na negosyante ang Glock 23 pistol na caliber .45, Long firearm, COLT M16 Caliber 5.56mm, Dalawang Hand grenade, Mga magazines at Ammunition box na may mga bala ng caliber 40.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang nabanggit na negosyante.
Sa kabila ng panganib at tinamong sugat, ipinamalas ng dalawang pulis ang matatag na tapang, dedikasyon, at walang pag-iimbot na paglilingkod upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa komunidad, isang patunay ng tunay na diwa ng serbisyo publiko, kung saan inuuna ang kapakanan ng mamamayan higit sa pansariling kaligtasan.