Dalawang (2) matatanda ang nasawi habang hindi bababa sa sampu (10) ang sugatan matapos ang isang insidente ng tila stampede noong Biyernes ng umaga sa Zamboanga City.
Nangyari ito matapos kumalat sa social media at ilang media outlet ang diumano’y iskedyul ng pamamahagi ng tulong pinansyal na umano’y konektado sa isang partidong politikal.
Libo-libong katao mula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ang nagtungo sa lugar dahil sa naturang impormasyon na kalauna’y napag-alamang hindi pala totoo.
Kinumpirma ng mga awtoridad na ang insidente ay nag-ugat sa maling impormasyon na nag-udyok sa dagsa ng tao.
Ang dalawang nasawi ay parehong senior citizen at idineklarang dead on arrival sa Zamboanga City Medical Center.
Samantala, sampung iba pa ang nagtamo ng minor injuries at kasalukuyang ginagamot.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng lokal na pamahalaan at kapulisan ang pinagmulan ng maling balita.
Nanawagan si Mayor John Dalipe ng Zamboanga City ng kalmado at disiplina sa pagbabahagi ng impormasyon.
“Nakikiramay kami sa pamilya ng mga nasawi at nananalangin para sa mabilis na paggaling ng mga sugatan. Nawa’y magsilbing babala ito sa panganib ng maling impormasyon,” ani ng alkalde.
Dagdag pa rito, binabalangkas na rin ng mga awtoridad ang mga panibagong hakbang sa seguridad sa lungsod bilang paghahanda sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 12.