Nasawi ang dalawang sundalo habang isa ang sugatan matapos ang isang pananambang sa mga tauhan ng 18th Infantry Battalion nitong Biyernes ng hapon sa Barangay Lahi-Lahi, Tuburan, Basilan.
Kinilala ang mga nasawing kawal na sina Sgt. Reymark Bation at Cpl. Jordan Daquipel. Sugatan naman si Cpl. Richivie Flores.
Batay sa ulat, sakay umano ng dalawang motorsiklo ang mga sundalo at patungo sana sa Lahi-Lahi mula sa lugar ng Dugaa nang sila ay harangin at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino o anong grupo ang responsable sa naturang insidente. Nagpapatuloy rin ang mahigpit na seguridad sa lugar upang maiwasan ang posibleng pag-ulit ng karahasan.