Dalawang lalaki ang naaresto matapos mahulihan ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang intel-driven police checkpoint operation ng mga awtoridad sa Barangay Nituan, Parang, Maguindanao del Norte bandang alas-3:30 ng hapon nitong August 4, 2025.

Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na “Jam,” 51-anyos, at “Arn,” 32-anyos. Nahuli sila sa checkpoint na pinangunahan ng NITUAN COMPAC ng Parang Municipal Police Station sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Radzak S. Musa, katuwang ang PIU-MDN, 1st PMFC, 1401st RMFC, at RMFB14-A.

Nasabat sa operasyon ang tinatayang 70 kahon ng smuggled CAPITAL brand na sigarilyo, na may kabuuang halagang humigit-kumulang ₱700,000. Ang mga kontrabando ay lulan ng isang Isuzu aluminum van na may plakang CCP 1632.

Ayon sa ulat, maayos na binasa sa mga suspek ang kanilang karapatang konstitusyonal gamit ang wikang Tagalog (Miranda Doctrine). Sa ngayon, nasa kustodiya ng mga otoridad ang mga inarestong indibidwal kasama ang sasakyan at mga nakumpiskang sigarilyo.

Ang buong insidente, kasama ang mga ebidensya, ay itinurn-over na sa Bureau of Customs para sa karampatang disposisyon alinsunod sa paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at RA 10643 o Graphic Health Warnings Law.