Arestado ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) Mindanao Field Unit, katuwang ang iba pang operatiba, ang dalawang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Retired Police Colonel Rolen Balquin, dating hepe ng Cotabato City Police Office (CCPO) at Cotabato City Public Safety Office (CCPSO).
Nasakote ang mga suspek sa Macapal Verona Fort, Surigao City nitong Setyembre 8, Lunes ng gabi, sa bisa ng warrant of arrest.
Kinilala ang mga akusado na sina Salem Edu at Berting Abdullah. Nahaharap sila sa kasong murder na walang rekomendadong piyansa, at frustrated murder na may piyansang ₱200,000.
Matatandaang noong Marso 19, 2022, pinagbabaril si Balquin habang sakay ng pulang Mitsubishi Adventure sa bahagi ng Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights, Cotabato City. Sa insidente, napatay ang retiradong opisyal habang sugatan lamang ang nakasama nitong pulis.
Ayon sa pulisya, case solved na ang kaso at natamo na ang hustisya para sa mga biktima.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP AKG ang mga suspek at nakatakdang iharap sa korte upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanila.