Nasakote ng mga awtoridad ang dalawa sa tatlong pinaghihinalaang suspek sa pagpaslang sa tatlong indibidwal na kabilang sa tribong Maranao sa Barangay Sta. Teresa, Lal-lo, Cagayan.

Kinilala ng pulisya ang mga naarestong sina alyas Fred, 31-anyos, at alyas Rod, 48-anyos. Nadakip ang dalawa sa isinagawang hot pursuit operation sa Barangay San Juan, Buguey, Cagayan.

Ayon sa Police Regional Office 2 o PRO-2, nakumpiska mula sa mga suspek ang ilang armas at kagamitan kabilang ang 9mm pistol, M16 rifle na may buradong serial number, mga magazine at bala, improvised firearms, isang rifle grenade, at mga cellphone na ngayon ay sumasailalim sa pagsusuri ng mga imbestigador.

Nagsagawa rin ang mga pulis ng ocular inspection sa mismong lugar ng insidente at sa sasakyang ginamit ng mga biktima upang makakuha ng posibleng CCTV footage at iba pang ebidensyang makatutulong sa paglilinaw ng kaso.

Samantala, dalawang saksi mula sa Tuguegarao City ang dinala sa himpilan ng pulisya upang tumulong sa pagkumpirma ng pagkakakilanlan ng mga naarestong suspek.

Tiniyak naman ng PRO-2 na magpapatuloy ang kanilang operasyon hanggang sa madakip ang natitirang suspek at iba pang posibleng sangkot sa krimen. Hinihikayat din ang publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon upang makamit ang hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya.