Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang indibidwal sa ikinasang buy-bust operation kahapon ng tanghali araw ng linggo, bandang alas-12:30, sa Brgy. Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Pinangunahan ni Lt. Col. Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kina Bhads Salim Abdila, isang itinuturing na high-value individual, at Mel Ebrahim. Kapwa nasa hustong gulang ang mga suspek at residente ng Pikit, Cotabato.

Nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang 250 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P1.7 milyon, kasama rin ang marked money na ginamit sa transaksyon.

Ayon sa ulat, nagkaroon umano ng aberya sa orihinal na lugar ng transaksyon, dahilan upang sa Dalican na isinagawa ang aktwal na palitan ng kontrabando.

Kasalukuyan nang nakakulong sa pasilidad ng Sultan Kudarat MPS ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.