‎Tinipon ng Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) ang nasa 200 delegado mula sa international development partners, pambansa at rehiyonal na ahensya ng pamahalaan sa ika-5 Bangsamoro International Development Partners Forum na ginanap Pebrero 9 sa Dusit Thani Davao.

‎Layon ng forum na pagtibayin ang koordinasyon sa pagitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga development partners upang matiyak na nakalinya ang mga programa at pondo sa mga prayoridad na nakapaloob sa 2nd Bangsamoro Development Plan (BDP) 2023–2028 Midterm Update.

‎Isinagawa ang aktibidad sa suporta ng European Union at United Nations Children’s Fund (UNICEF), at nakatuon sa pagpapabilis ng implementasyon ng mga programang pangkaunlaran sa rehiyon.

‎Sa naturang pagtitipon, naglatag ng mga ulat at presentasyon ang iba’t ibang ministeryo at tanggapan ng BARMM hinggil sa estado ng mga prayoridad na proyekto at mga hamon sa implementasyon.

‎Dumalo sa forum sina Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Leo Tereso Magno, at Acting Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando Toledo, kasama ang iba pang opisyal mula sa rehiyon at pambansang pamahalaan.