Nagtala ng panibagong tagumpay ang 602nd Infantry (Liberator) Brigade sa kanilang kampanya laban sa loose firearms matapos kusang isuko ng mga residente mula sa bayan ng Carmen at Pikit, Cotabato ang kabuuang 21 piraso ng iba’t ibang uri ng armas noong Setyembre 12, 2025.

Isinuko ng mga residente ang mga armas sa yunit ng 40th Infantry (Magiting) Battalion sa Barangay Ladtingan, Pikit, Cotabato, ayon kay Lt. Col. Erwin Jay E. Dumaghan, Commanding Officer ng batalyon. Bahagi ito ng pagpapatupad ng kampanya ng pamahalaan upang wakasan ang paglaganap ng mga iligal na armas na madalas nagiging sanhi ng karahasan sa mga komunidad.

Iprinisinta ang mga nasabing armas kay Brigadier General Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Brigade, alinsunod sa direktiba na tuluyang lansagin at ilayo sa kamay ng mga armadong grupo ang mga kagamitang pandigma.

Kabilang sa mga isinukong armas mula sa bayan ng Carmen ang anim na M16 rifles at isang M14 rifle. Sa Pikit naman, nakolekta ang isang M16 rifle, dalawang M203 grenade launchers, anim na 40mm RPG, at limang caliber .50 Barret rifles.

Dinaluhan ng mga lokal na opisyal, lider-komunidad, at mga kinatawan ng PNP ang isinagawang seremonya ng pagsuko.

Binigyang-diin ni Brig. Gen. Bunayog na ang pagsuko ng mga armas ay malinaw na patunay ng suporta ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagtalikod sa karahasan. Aniya, bunga ito ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga security sector, at ng komunidad. Tiniyak din niya na ang mga nasabing armas ay hindi na muling magagamit upang maghasik ng takot at kaguluhan, lalo na ngayong papalapit ang makasaysayang BARMM Parliamentary Elections.

Idiniin naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na ang patuloy na kampanya laban sa loose firearms ay isa sa mga pangunahing haligi ng estratehiyang “winning the peace.” Giit pa niya, bawat armas na nalalansag ay katumbas ng mas ligtas na komunidad at mas maayos na kinabukasan para sa mga mamamayan.

Dagdag pa ni Maj. Gen. Gumiran, hindi lamang ito tagumpay ng militar kundi tagumpay ng buong sambayanan na sama-samang naghahangad ng tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Via 6th Infantry “Kampilan” Division, Philippine Army