Kasabay ng Valentine’s Day kahapon, isang espesyal na seremonya ang idinaos sa Cotabato City Hall kung saan dalawampu’t isang (21) pares ng magsing-irog ang sabay-sabay na ikinasal sa ilalim ng programang Kasalang Bayan 2025 kahapon, araw ng Biyernes, February 14.

Sa harap ng kanilang mga mahal sa buhay, opisyal na ikinasal ang mga bagong mag-asawa sa pamamagitan ng isang libreng civil wedding na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Cotabato.

Layunin ng programa na bigyan ng pagkakataon ang mga magkasintahang nais mapagtibay ang kanilang pagsasama ngunit walang sapat na kakayahang pinansyal upang maisakatuparan ang isang pormal na kasal.

Bukod sa libreng seremonya, handog din ng lokal na pamahalaan ang isang espesyal na photoshoot para sa mga bagong kasal bilang alaala ng kanilang natatanging araw.

Ang bawat mag-asawa ay binigyan ng pagkakataong magkaroon ng propesyonal na kuha ng kanilang kasal, na may libreng souvenir photos na kanilang maiuuwi.

Samantala, pinangunahan naman ng alkalde ng lungsod ang pagbati sa mga bagong kasal, at hinikayat silang maging tapat at matatag sa kanilang pagsasama.

Ang Kasalang Bayan ay isang taunang programa ng Cotabato City na naglalayong magbigay ng libreng kasal sa mga magsing-irog na nais gawing ligal at pormal ang kanilang pagsasama.

Maraming pamilya at kaibigan ang dumalo sa nasabing seremonya upang ipagdiwang ang mahalagang araw kasama ang mga bagong kasal.