Dalawampu’t tatlong kasapi ng lokal na teroristang grupo ang pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan matapos sumuko dala ang kanilang mga armas sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Agosto 25.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Al Victor C. Burkley, Commanding Officer ng 6th Infantry (Redskin) Battalion, pinili ng mga dating rebelde na sumuko dahil sa kagustuhan nilang makapiling muli ang kanilang mga pamilya at tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka. Isa rin umano sa mga dahilan ay ang pangamba sa kanilang kaligtasan dulot ng pinaigting na operasyon ng militar sa lugar.
Ipinrisinta ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, sa himpilan ng 6IB sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang. Kasama ng kanilang pagsuko ang pagtuturn-over ng iba’t ibang mabibigat na armas tulad ng mga sniper rifle, mortar, rocket-propelled grenade, at iba pang kagamitang pandigma.
Bilang tulong upang makapagsimula ng panibagong buhay, tumanggap ang mga nagbalik-loob ng dalawang traktora, dalawang agricultural sprayers at tig-iisang sako ng bigas mula sa lokal na pamahalaan. Layon nito na mahikayat silang bumalik sa pagsasaka at mamuhay nang mapayapa.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, malinaw na patunay ang pagbabalik-loob ng mga rebelde na hindi kailanman magiging solusyon ang dahas, at sa tulong ng pamahalaan at komunidad ay magkakaroon sila ng pagkakataong makapagsimula muli at makabalik sa normal na pamumuhay.
Samantala, binigyang-diin naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na resulta ito ng kanilang tuluy-tuloy na kampanya laban sa terorismo. Aniya, sa terorismo ay kapwa talo, ngunit sa kapayapaan ay panalo ang lahat dahil nagiging ligtas ang mamamayan, umuunlad ang ekonomiya, at lumalago ang turismo.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang opisyal sa mga stakeholders at lokal na lider ng Bangsamoro Islamic Armed Forces–MILF na tumulong sa paghikayat sa mga rebelde upang tuluyan nang magbalik-loob. Dagdag pa niya, bukas ang pamahalaan para sa lahat ng nais muling tahakin ang tamang landas at patuloy na magsusumikap na itaguyod ang kapayapaan sa rehiyon.