Matagumpay na nailigtas ng isang joint search and rescue team ang kabuuang 253 pasahero at tripulante ng isang motorbanca na nagkaaberya sa karagatan ng Basilan nitong Pebrero 6, 2026, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Isinagawa ang rescue operation matapos makatanggap ng tawag ang Coast Guard District Southwestern Mindanao mula sa isang pasahero ng MBCA Julifer, na nag-ulat na nagkaroon ng engine failure ang sasakyang-dagat habang bumiyahe mula Zamboanga City patungong Laminusa Island, Siasi, Sulu. Ang insidente ay naganap sa karagatang malapit sa Lampinigan Island.
Agad na nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Isabela sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Basilan at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Isabela upang ilunsad ang operasyon. Ipinadala rin ang BRP Tubbataha (MRRV-4401) bilang karagdagang sasakyang pantulong sa pagsagip.
Sa rescue operation, 205 pasahero ang inilipat sa BRP Tubbataha at ligtas na dinala sa Zamboanga City Pier, habang 21 pasahero naman ang isinakay sa bangka ng PNP Maritime Group patungong Isabela Port. Samantala, 11 pasahero at 16 tripulante ang nanatili sa MBCA Julifer at inihatid nang ligtas pabalik sa Isabela sa ilalim ng escort.
Kinumpirma ng PCG na walang naiulat na nasugatan sa insidente. Patuloy namang pinapaalalahanan ang mga operator ng sasakyang-dagat na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga bangka bago bumiyahe upang maiwasan ang kaparehong insidente.

















