Umabot na sa 26 na Pilipino ang matagumpay na nakaalis ng Israel sa ilalim ng voluntary repatriation program na ipinatutupad ng Philippine Embassy.
Ayon sa embahada, personal na sinamahan ni Ambassador Aileen Mendiola at ng DMW-OWWA Team ang mga kababayan natin sa Allenby Border Crossing upang masiguro ang maayos at ligtas nilang pagtawid mula Israel patungong Jordan.
Inasikaso rin ng embahada ang lahat ng kanilang pangangailangan kabilang na ang transportasyon, transit visas, travel documents, at mga tiket pauwi ng Pilipinas.
Bago bumiyahe, pansamantalang nanirahan ang mga ito sa shelter ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan sila ay nabigyan ng relief packages at libreng legal assistance kaugnay ng kanilang pikadon o benepisyo.
Samantala, kasalukuyan namang pinoproseso ang repatriation ng karagdagang 33 Pilipino na kabilang sa second batch ng programa. Patuloy ang pagtutok ng embahada sa kapakanan ng mga Pilipino sa Israel sa gitna ng tensyon sa nasabing rehiyon.