Nadagdagan pa ang bilang ng mga isinukong loose firearms matapos ang pagsuko ng 27 armas sa Cotabato, Maguindanao del Sur, at ilang bayan ng SGA-BARMM nitong Mayo 1.
Ayon kay Lt. Col. Erwin Dumaghan ng 40th Infantry Battalion, resulta ito ng maigting na kampanya kontra ilegal na armas katuwang ang PNP at suporta ng komunidad. Sa naturang bilang, 10 armas ang isinuko sa Tugunan, SGA-BARMM, habang 17 naman ang mula sa Pikit at M’lang sa Cotabato, Pagalungan at Datu Montawal sa Maguindanao del Sur, at Kapalawan sa SGA-BARMM.
Pormal itong ipinrisinta kay Brig. Gen. Ricky P. Bunayog ng 602nd Infantry Brigade, na sinaksihan nina Pikit Mayor Sumulong Sultan, Cotabato PPO Director PCol. Gilberto Tuzon, at Pikit Police Chief PLt. Col. Tristan Sablada.
Binigyang-diin ni Brig. Gen. Bunayog na ang turnover ng armas sa ilalim ng SALW program ay patunay ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng LGUs, AFP, at PNP para sa kapayapaan. Dagdag ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran ng 6ID at JTFC, layunin ng programa na tuluyang alisin ang loose firearms sa rehiyon upang masiguro ang seguridad at kaunlaran.
Patuloy ang panawagan ng militar sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa tuluyang pag-aalis ng ilegal na armas sa rehiyon.