Tatlong abogado ang naghain ng reklamo sa Senado laban kay Senadora Risa Hontiveros dahil sa umano’y “disorderly behavior.”
Sina Attorneys Manuelito Luna, Jacinto Paras, at Ferdinand Topacio ang nagpasimula ng reklamo matapos bawiin ni Michael Maurillo ang kanyang naunang testimonya sa Senate inquiry noong 2024 na pinamunuan mismo ni Hontiveros.
Matatandaang idinawit noon ni Maurillo si Pastor Apollo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Bise Presidente Sara Duterte sa iba’t ibang alegasyon. Ngunit nitong Hunyo, lumabas ang isang video kung saan iginiit ni Maurillo na binayaran umano siya ng P1 milyon ni Hontiveros para palabasin ang mga paratang.
Giit ng mga abogado, hindi ito ang unang pagkakataon na nagdala ang senadora ng mga testigo na kalaunan ay bumabawi ng kanilang salaysay. Nakikita umano nila ang “pattern ng panlilinlang” na ginagawa ni Hontiveros sa mga imbestigasyon ng Senado.
Posibleng kaharapin ng senadora ang parusang expulsion, suspension hanggang anim na buwan, o censure kapag napatunayang lumabag sa Article VI, Section 16(3) ng Konstitusyon.