Arestado ang tatlo matapos na maaktuhang kinakatay ang pawikan na maituturing na endangered o nanganganib na sa baybayin ng Maasim sa lalawigan ng Sarangani kamakalawa, Setyembre 13.

Kabilang sa nasamsam ng mga autoridad ang carapace o ang bahay ng pinatay na pawikan at ang luto na nitong karne na nakahain na para kainin.

Dahil dito, agad na kinasuhan ang mga mangangatay pawikan ng paglabag sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act na batas na nagbabawal sa pagpatay, pagiingat maging pagbebenta sa mga endangered na mga uri ng hayop.

Ayon kay DENR 12 Regional Executive Director Atty. Felix Alicer, hindi lamang paglabag sa batas ng tao ang ginawang pagpatay sa pawikan kundi banta din ito sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa balanse ng marine ecosystem.

Dagdag pa nito, mahalaga aniya ang pawikan sa kalusugang pangkalahatan ng karagatan maging sa mga coral reefs, seagrass beds at pangingisda at kung mawala aniya sila, mawawala rin ang likas yamang pinagkukunan ng mga kumunidad sa lugar.

Mariin namang kinundena ng DENR 12 at ng Saranggani Bay Protected Seascape ang insidente at nanawagan ang mga ito sa publiko na tumulong sa paguulat at pagtutol sa krimeng pangkalikasan para mapanatili ang mga ito sa susunod na henerasyon at salinlahi.