Sugatan ang tatlong kasapi ng armadong grupo matapos makasagupa ang tropa ng 1st Mechanized Infantry (Lakan) Battalion sa Barangay Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte noong gabi ng Hunyo 4.

Ayon kay Lt. Col. Roberto F. Betita, Commanding Officer ng nasabing batalyon, nagtungo ang kanilang tropa sa lugar upang mamagitan sa dalawang naglalabang grupo. Ngunit bago pa man makalapit ay pinaputukan na sila ng tinatayang 30 armadong kalalakihan. Gumanti ng putok ang mga sundalo, na nagresulta sa pagkasugat ng tatlong suspek.

Narekober sa lugar ang apat na matataas na kalibreng armas—Cal. 30 Garand Rifle, 7.62mm M14 Rifle, 5.56mm M16A1 Rifle, at 5.56mm Colt Rifle—pati na rin ang mga magasin, bala, tatlong bandolyer, sling bags, commercial radio, at dalawang sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱59,500, kasama ng mga drug paraphernalia.

Agad isinugod ang mga sugatang suspek sa pinakamalapit na ospital bago inilipat sa Cotabato Regional Medical Center. Iturn-over din sila sa Talitay Municipal Police para sa pagsasampa ng mga kaso.

Dahil sa insidente, pinulong ni Brig. Gen. Edgar L. Catu ng 601st Brigade ang mga grupong sangkot at binalaan na hindi mangingiming gumamit ng puwersa ang militar kung magpapatuloy ang karahasan.

“Kung anuman ang mga ‘di pagkakaunawaan ay pwede nating pag-usapan sa mahinahong paraan at hindi sa pamamagitan ng dahas”. Ani Brig. Gen. Catu.

Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central ang mabilis na aksyon ng mga sundalo. Patuloy na gagampanan ng inyong 6ID at JTF Central ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon,” aniya.