Tatlong kabataang mula sa Lungsod ng Cotabato ang nagpakitang-gilas sa katatapos na Licensure Examination for Social Workers ngayong Setyembre, matapos makapasok sa hanay ng mga topnotcher, ayon sa opisyal na resulta na inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).

Nanguna sa mga topnotcher mula sa lungsod si Bai Jannah B. Untong ng Cotabato State University, na nakakuha ng 89.4%, dahilan upang makamit niya ang ika-8 na pwesto (Top 8) sa buong bansa.

Samantala, parehong nakakuha ng 89.00% sina Abdulmuhaymin K. Datumanong mula sa Coland Systems Technology – Cotabato, at Alim Jamzah A. Usop ng Cotabato State University, na nagresulta sa pagkakapantay nila sa ika-10 pwesto (Top 10).

Ayon sa lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng edukasyon, patunay ito sa mataas na antas ng kalidad ng edukasyon sa mga unibersidad at kolehiyo sa lungsod. Magsisilbi rin umano itong inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga mag-aaral sa rehiyon.

Sa kabuuan, 7,334 ang pumasa sa nasabing pagsusulit mula sa 9,647 na mga kumuha ng exam sa iba’t ibang bahagi ng bansa.