Tatlong indibidwal na may kaugnayan umano sa mga grupong ekstremista ang ligtas na sumuko sa mga awtoridad matapos ang isinagawang operasyon sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur noong Marso 14, 2026.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), ang mga sumukong indibidwal ay iniuugnay sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah (DI).
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng NBI–Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pakikipagtulungan ng NBI Central Mindanao Regional Office, NBI Sarangani District Office, at NBI Counter Terrorism Division, kasama ang iba pang security units.
Batay sa intelligence report, nais umano ng mga naturang indibidwal na kumalas sa armadong grupo at sumuko sa pamahalaan. Humingi rin umano ang mga ito ng ligtas at neutral na paraan ng pagsuko dahil sa pangamba sa posibleng paghihiganti mula sa iba pang miyembro ng BIFF at DI sa lugar.
Dahil dito, nagsagawa ang mga awtoridad ng protective extraction upang matiyak ang kaligtasan ng mga sumuko at ng mga operatiba.
Iniulat na kabilang ang mga indibidwal sa Karialan faction ng BIFF/DI na umano’y kumikilos sa Mamasapano.
Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga ito ang ilang matataas na kalibre ng armas kabilang ang isang .50 caliber Barrett rifle, isang M79 grenade launcher, isang M203 grenade launcher tube, at isang Mosin rifle na may magazine. Nakuha rin mula sa kanila ang dalawang bala ng 7.62mm live ammunition.
Matapos ang operasyon, ligtas na dinala ang mga sumukong indibidwal sa isang secure facility para sa dokumentasyon, paunang debriefing, at security processing.
Ayon sa NBI, naging maayos at walang naitalang insidente ang buong operasyon.
Pinuri naman ni Atty. Melvin D. Matibag, direktor ng National Bureau of Investigation, ang mga operatiba sa matagumpay at mapayapang pagsasagawa ng operasyon.
Ayon kay Matibag, patunay umano ang nasabing pagsuko na may pagkakataon pa ring piliin ng mga dating sangkot sa armadong ekstremismo ang landas ng kapayapaan at pagbabalik-loob sa lipunan. Dagdag pa niya, patuloy na susuportahan ng NBI ang mga hakbang ng pamahalaan upang mabigyan ng ligtas at legal na paraan ang mga nais talikuran ang karahasan at muling makapamuhay nang mapayapa sa komunidad, lalo na sa Bangsamoro region.

















