Naaresto ang tatlong lalaki na suspek sa robbery hold-up sa Tanghal Subdivision, Bagua II, Cotabato City na naganap kahapon ng hapon, March 26, 2026.

Ayon sa ulat, habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima, kumatok ang mga suspek at nagpakilalang may ipinadalang package mula sa kamag-anak. Pagbukas ng pinto, sinaktan sila sa ulo gamit ang matigas na bagay at ninakaw ang tinatayang ₱3 milyon na ginto at ₱200,000 cash. Sakay ng brown metallic Toyota Vios na may plate number LAR 2650, agad silang tumakas.

Nahuli ang tatlong suspek na sina alyas Bunsoy, 27 anyos, ang driver na si alyas Abdul, 33 anyos, front passenger at alyas Tong, 26 anyos, back passenger.

Batay sa imbestigasyon, may apat na suspek sa orihinal na plano. Ang ikaapat ay nakatakas patungong Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte at pinaniniwalaang may hawak ng ninakaw na ari-arian.

Sa checkpoint operation, narekober ang dalawang baril na .45 at 9mm, dalawang magasin, at sampung bala

Samantala, nagpapatuloy ang follow-up operations para mahuli ang ikaapat na suspek at maibalik ang mga ninakaw na ari-arian.