UMABOT na sa tatlong katao ang nasawi sa girian ng dalawang armadong grupo sa mga Brgy. Mompong, Brgy. Linek, at Brgy. Kusiong sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Kinumpirma nitong miyerkules na mga opisyal ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region o PROBAR, ang isa sa tatlong nasawi na kinilalang si Saidali Mantawil, isang magsasaka na mula sa Sitio Tinabon, Brgy. Kusiong habang dalawang sibilyan ang sugatan mula sa Sitio Ladsan, Brgy. Linek matapos tamaan ang mga ito ng ligaw na bala.
Ang dalawang iba pang nasawi ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Maliban dito nasa sampung kabahayan ang umano’y sinunog ng mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Sitio Ladsan Brgy. Linek, habang umabot na sa 855 na mga pamilya ang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center.
Ayon naman sa mga residente, away diumano sa kapangyarihan at politika ang naging sanhi ng kagulugan sa kanilang lugar.
Samantala, pagtitiyak naman ni Datu Odin Sinsuat Chief of Police, PLtCol. Samuel Roy Subsuban na nakamonitor ang hanay ng pulisya at militar sa area upang respondehan at pawiin ang pangamba ng mga residenteng naiipit sa kaguluhan.