Naaresto ang tatlong indibidwal noong Setyembre 13, 2025 sa bayan ng Maasim, Sarangani matapos maaktuhan sa ilegal na pagkatay ng pawikan, isang uri ng marine turtle na kabilang sa mga endangered species.
Isinagawa ang operasyon ng Protected Area Management Office ng Sarangani Bay Protected Seascape (PAMO-SBPS) katuwang ang PNP Maritime Group, Maasim Municipal Police Station, at lokal na pamahalaan ng Maasim.
Narekober mula sa mga suspek ang carapace o bahay ng pawikan at lutong karne nito na umano’y nakahanda nang kainin. Dahil dito, agad silang kinasuhan sa paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, na mahigpit na nagbabawal sa pagpatay, pag-iingat, at pagbebenta ng mga endangered wildlife. Nakasaad din sa DENR Administrative Order No. 2019-09 na lahat ng uri ng pawikan ay kabilang sa endangered o critically endangered species kaya’t may pinakamataas na proteksyon sa ilalim ng batas.
Ayon kay DENR-12 Regional Executive Director Atty. Felix S. Alicer, hindi lamang ito simpleng paglabag sa batas kundi isang banta sa marine biodiversity. “Ang pagpatay ng pawikan ay hindi lang krimen laban sa ating mga batas pangkalikasan, kundi direktang banta rin sa maselang balanse ng ekolohiya ng Sarangani Bay. Mahalaga ang pawikan sa kalusugan ng coral reefs, seagrass beds, at pangisdaan—mga yamang-dagat na bumubuhay sa ating mga baybaying komunidad. Kailangang magsanib-puwersa tayo para pangalagaan ang mga ito at mapreserba para sa susunod na henerasyon,” ani Alicer.
Mariin namang kinundena ng DENR-12 at PAMO-SBPS ang insidente at nanawagan sa publiko na makiisa sa pagsugpo ng wildlife crimes bilang moral at legal na tungkulin upang matiyak ang patuloy na kalusugan ng marine ecosystem sa rehiyon.