Tatlong matataas na kalibreng baril ang isinuko ng ilang armadong grupo sa tropa ng 6th Infantry (Redskin) Battalion matapos ang matagumpay na operasyon sa Barangay Duaminanga, Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Hulyo 6, 2025.
Ayon kay Lieutenant Colonel Al Victor C. Burkley, Battalion Commander ng 6IB, nagsagawa ng clearing operation ang militar matapos makatanggap ng ulat ukol sa paulit-ulit na putukan sa nasabing lugar na dulot ng tensyon sa pagitan ng nagbabangayang armadong grupo.
Dahil sa maagap na aksyon ng mga sundalo, naiwasan ang posibleng engkuwentro at kalauna’y boluntaryong isinuko ng mga grupo ang tatlong M14 rifles at mga magasin nito.
Bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan kontra sa ilegal na armas at karahasan, nakipagdayalogo rin ang 6IB, katuwang ang lokal na pulisya at mga lider ng barangay, upang talakayin ang mga naunang insidente at itaguyod ang kapayapaan sa nasabing komunidad.
Sa panig naman ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, ang pagsuko ng mga baril ay patunay ng epektibong community engagement ng mga sundalo. Aniya, “Magpapatuloy ang aming pakikipagtulungan sa mga lokal na lider upang mapanatili ang katahimikan at maiwasan ang paglala ng armadong sigalot sa lugar.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na ang pagsuko ng mga armas ay indikasyon ng patuloy na tiwala ng taumbayan sa militar at sa gobyerno. Dagdag pa niya, “Isa itong hakbang patungo sa mas matatag at pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Maguindanao. Paiigtingin pa natin ang kampanya para sa isang mapayapang rehiyon.”