Hinala ng mga awtoridad na ang tatlong delivery riders na napaulat na nawawala simula pa noong Mayo 11, 2025, ang posibleng tatlong bangkay na nahukay sa bahagi ng Sharif Saidona Mustapha, Maguindanao del Sur kahapon ng hapon, Mayo 30, 2025.
Ayon sa ulat, isang residente ang nagbigay-alam sa mga otoridad matapos niyang mapansin ang masangsang na amoy mula sa isang lugar. Agad itong rinespondehan ng kapulisan at isinagawa ang paghuhukay. Laking gulat ng mga awtoridad nang kanilang madiskubre ang tatlong naaagnas na bangkay.
Dinala kaagad ang mga bangkay sa Ronex Funeral Home sa Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao del Sur upang isailalim sa masusing pagsusuri at imbestigasyon.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima at alamin ang totoong nangyari sa kanila. Patuloy ding inaalam kung may kaugnayan ito sa pagkawala ng tatlong delivery rider.