Tatlong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi habang apat na iba pa, kabilang ang isang sibilyan, ang sugatan sa sagupaan ng dalawang magkalabang base command sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur, nitong Linggo ng umaga, Agosto 10, 2025.

Sa ulat ng PNP-BARMM, sakay ng tatlong minivan ang grupo nina Kumander Zainudin Kairo at Kumander Malibuteng ng 128th Base Command patungo sa Barangay Pembalkan, Mamasapano, nang bigla silang salubungin ng putok mula sa puwersa ng 118th Base Command na pinamumunuan nina Kumander Kagi Gani Adam, Tuhami Mamulintaw, at Esmail Salim.

Nagresulta ito sa matinding palitan ng putok na tumagal ng ilang minuto, na ikinasawi ng tatlong kasamahan ni Kumander Malibuteng at pagkasugat ng tatlo pa mula sa parehong grupo. Isang sibilyan din ang tinamaan ng ligaw na bala at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Dahil sa tensyon, napilitang lumikas ang ilang residente sa kalapit na barangay para sa kanilang kaligtasan. Narekober sa pinangyarihan ang mahigit 100 basyo ng iba’t ibang uri ng armas.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang motibo ng insidente at kilalanin ang iba pang sangkot sa magkabilang panig.