Nitong ika-25 ng Enero 2026, bandang alas-8:12 ng umaga, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Datu Unsay Municipal Police Station (MPS), katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Police Intelligence Unit (PIU), Maguindanao del Sur Provincial Police Office (MDSPPO), at Bravo Company ng 90th Infantry Battalion, Philippine Army.

Ang naturang operasyon ay isinagawa kaugnay ng pananambang na naganap sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Ayon sa impormasyon na nakalap mula sa mga awtoridad, ang motibo ng pananambang laban kay Mayor Datu Akmad Ampatuan ay pinaniniwalaang may kaugnayan sa personal na alitan o personal grudge.

Bilang resulta ng hot pursuit operation, nadiskubre sa Sitio 24, Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur—humigit-kumulang apat (4) na kilometro mula sa national highway—ang isang (1) silver na minivan. Sa loob ng nasabing sasakyan ay natagpuan ang tatlong (3) bangkay na pinaniniwalaang mga suspek sa nasabing ambush incident.

Ang mga nasawing indibidwal ay kinilalang sina Budtong Pendatun, alyas “Rap-Rap,” nasa hustong gulang at residente ng Barangay Meta, Datu Unsay; Teks Pendatun, nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing barangay; at isang indibidwal na kinikilala lamang sa alyas na “Puasa.”

Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang tumakas ang mga nabanggit na indibidwal mula sa Shariff Aguak matapos ang insidente ng pamamaril at pananambang.