Limang indibidwal na pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA), kabilang ang tatlong itinuturing na lider, ang nasawi sa isang engkuwentro sa pagitan ng militar at mga armadong grupo nitong umaga ng Disyembre 23 sa Barangay Burabod, bayan ng Lagonoy.

Batay sa ulat, naganap ang engkuwentro bandang alas-6 ng umaga sa ikinasang operasyon ng 83rd Infantry Battalion ng Philippine Army, na nasa ilalim ng operational control ng 901st Infantry Brigade, katuwang ang kapulisan. Target ng operasyon ang mga elemento ng Sub-Regional Committee 2 ng Bicol Regional Party Committee.

Sa insidente, nasamsam mula sa mga nasawi ang dalawang baril, kabilang ang isang M16 rifle at isang kalibre .45 na pistola.

Kinilala ang tatlo sa mga nasawi na umano’y may mataas na posisyon sa grupo, habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pang indibidwal. Ayon sa militar, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay ng umano’y pananakot at pangingikil ng grupo sa mga residente sa lugar.

Patuloy pa ang clearing operations at imbestigasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang seguridad ng komunidad at matukoy kung may iba pang kasapi ng armadong grupo sa nasabing lugar.

Photos from 901st Infantry “Fight ‘Em” Brigade, Philippine Army