Agad na rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos maitala ang insidente ng pagkalunod sa tubig sa Lorenzo Beach, Barangay Lorenzo, Balabagan, Lanao del Sur, nitong Pebrero 1, 2026.

Ayon sa ulat, bandang alas-3:20 ng hapon, isang tatlong taong gulang na bata mula Barangay Bayanga, Maguindanao del Norte, ang nalunod habang naliligo sa isang beach resort sa nasabing lugar.

Agad na binigyan ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) ni Apprentice Seaman Anglebert P. Subingsubing ng PCG, na may kasanayan sa Basic Life Support, ang bata.

Matagumpay na nailigtas ang buhay ng bata at agad na dinala sa Malabang Hospital para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.

Binigyang-diin ng PCG ang patuloy nilang pangako sa pagsisiguro ng kaligtasan sa tubig at mariing pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga magulang at tagapag-alaga, na mabantayan ang mga bata sa panahon ng paglalaro o paglangoy upang maiwasan ang kaparehong insidente.