Patuloy na magdudulot ng maulap na papawirin at mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang tatlong umiiral na weather system—ang northeast monsoon o ‘amihan’, easterlies, at intertropical convergence zone (ITCZ)—ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa ulat ng PAGASA kaninang alas-5 ng umaga, ang northeast monsoon ay nakakaapekto sa hilaga at gitnang bahagi ng Luzon, habang ang easterlies naman ay nakakaapekto sa mga bahagi ng Luzon at Visayas. Samantala, ang ITCZ ay nagdudulot ng mga pag-ulan sa Palawan at Mindanao.

Ayon kay weather specialist Castañeda, inaasahang unti-unting hihina ang northeast monsoon sa mga susunod na araw, na magiging senyales ng opisyal na pagsisimula ng tag-init at tag-tuyot sa bansa.

Gayunpaman, ang easterlies, o mga maiinit na hangin mula sa karagatang Pasipiko, ay maaaring magdulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat sa mga lugar tulad ng Catanduanes, Sorsogon, at Masbate.

Magdudulot din ito ng mga isolated rains sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), at Bicol region.Samantala, ang ITCZ ay magdadala ng pag-ulan sa Palawan, partikular sa katimugang bahagi nito, at sa buong Mindanao.

Inaasahan din na magpapatuloy ito sa mga nabanggit na lugar sa susunod na dalawang araw.Bagama’t walang gale warning na ipinalabas, pinayuhan ng weather bureau ang mga mangingisda na mag-ingat sa pamamalaot, lalo na sa Southern Luzon at Visayas, dahil sa katamtamang kalagayan ng dagat.

Pinapayuhan din ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.