Dumagsa ang tinatayang 30,000 katao sa Cotabato City Plaza upang lumahok sa Global Peace and Prayer Rally bilang pagbati sa ika-80 kaarawan ni Former President Rodrigo Duterte.
Nagmula ang mga dumalo hindi lamang sa lungsod kundi maging sa iba’t ibang bayan sa paligid upang makiisa sa mga aktibidad ng naturang pagtitipon. Marami sa kanila ang may dalang placards at bond papers na nagpapahayag ng suporta sa dating pangulo.
Nagbitbit din ang ilan ng mga birthday cake at iba’t ibang pagkain bilang simbolo ng kanilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Duterte.
Samantala, umalingawngaw ang sigaw ng mga dumalo na humihiling na ibalik si Duterte sa Pilipinas at dito siya litisin sa halip na sa ibang bansa.
Sa kabila ng malaking bilang ng mga dumalo, nanatiling mapayapa at maayos ang buong selebrasyon.