Tinatayang umabot sa 300,000 na mga tagasuporta, sympathizers at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang dumagsa at dumalo sa isinagawang Consultative Meeting and General Assembly kahapon ng Lunes sa Camp Darapanan sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao Norte.
Layunin diumano ng nasabing pulong ayon kay MILF Chairman at kasalukuyang BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim na i-transform ang MILF mula sa dati nitong rebolusyonaryong identidad patungo sa isang kilusang panglipunan.
Giit pa ni Ebrahim na karapatan ng bawat Moro ang kapayapaan kaya nais nito na mad mapaigting ang ugnayan ng bawat isang Bangsamoro dahil may mga tao diumano na walang ibang nais na magkawatak watak ito.
Ayon pa kay Ebrahim, nawa ay mapangalagaan ng bawat Moro ang nakamit na bunga ng matinding sakripisyo ng bawat isa kaya marapat lamang na MILF pa din ang siyang manguna sa pamamalakad ng gobyernong mayroon sa rehiyong Bangsamoro.