Bagong taon, ngunit hinagpis at dalamhati ang hatid sa pamilya ng isang 34 anyos na babae na biktima ng pagtuklaw ng king cobra o banakon sa liblib na bahagi ng Kulaman Valley, Arakan, North Cotabato nitong unang araw ng Enero 2026.

Kinilala ang biktima bilang si Jenisa Mandi, residente ng Barangay Kutalid, Kitaotao, Bukidnon.
Ayon sa kanyang pinsan na si Andres Lavidan, patungo si Mandi kasama ang iba pang kasama sa ilog sa nasabing lugar upang magtampisaw at maligo nang biglang matuklaw ng banakon.
Agad na napatay ng grupo ang ahas at dinala si Mandi sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag. Sa kasamaang palad, mabilis siyang nasawi dahil sa kamandag bago pa man makarating sa ospital.
Ani Lavidan, malayo ang lugar ng insidente mula sa kabayanan ng Maramag, at aabutin ng humigit-kumulang apat na oras ang biyahe. Limitado rin ang serbisyong medikal sa nasabing lugar na mabundok at liblib.
Nagpaalala ang mga lokal na maging maingat sa mga lugar na kanilang dinaraanan upang hindi masundan ang malungkot na sinapit ni Mandi. Paalala rin ito dahil ang king cobra ay kabilang sa endangered species o nanganganib nang maubos, ayon sa DENR.
Sa kasalukuyan, naiuwi na ang mga labi ni Mandi sa kanyang pamilya upang mabigyan ng disenteng burol at libing.

















