Boluntaryong isinuko ng mga residente ang kabuuang 35 iba’t ibang uri ng baril at kagamitang pandigma sa magkahiwalay na turnover ceremony sa Talayan at Talitay noong Pebrero 16, 2026.
Labimpito sa mga armas ay mula sa Talayan habang labingwalo naman ang nagmula sa Talitay, kung saan karamihan sa mga ito ay matataas na kalibreng baril na matagal nang itinuturing na banta sa kapayapaan at seguridad ng komunidad.
Unang tinanggap ni Lt. Col. William G. Sabado, Battalion Commander ng 1st Mechanized Infantry Battalion, ang mga isinukong armas bago ito pormal na itinurn-over kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, sa harap ng mga kinatawan ng Philippine National Police at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga isinuko ang M14 at Garand rifles, sniper rifles, 60mm mortar, 9mm submachine guns, M79 at M203 grenade launchers, rocket-propelled grenades o RPG, 12-gauge shotgun, pati na rin mga bala at magasin.
Nagpasalamat si Brig. Gen. Catu sa patuloy na suporta ng mga lokal na pamahalaan at iginiit na ang boluntaryong pagsuko ng armas ay patunay ng pagpili ng komunidad sa kapayapaan kaysa karahasan.
Samantala, sinabi ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na bawat baril na naisasailalim sa pamahalaan ay katumbas ng mga buhay na naililigtas at mas ligtas na kinabukasan para sa rehiyon.
Ayon sa militar, ipinapakita ng matagumpay na turnover ang mas pinaigting na ugnayan ng sandatahang lakas, pulisya at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa kapayapaan at kaayusan sa Maguindanao.

















