Isinagawa noong Pebrero 16, 2026 ang magkahiwalay na turnover ceremony ng kabuuang 35 loose firearms sa mga bayan ng Talitay sa Maguindanao del Norte at Talayan sa Maguindanao del Sur. Ang aktibidad ay bahagi ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program ng pamahalaan laban sa mga loose firearms.
Sa Talitay, 18 assorted high-powered firearms ang boluntaryong isinuko ng mga residente sa pangunguna ni Talitay Mayor Sidik S. Ameril. Samantala, sa Talayan ay 17 assorted firearms ang isinuko ng mga residente sa pangunguna ni Talayan Mayor Tungkang A. Midtimbang.
Ang mga nasabing armas ay pormal na iprinisinta kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, kasama si Lt. Col. William G. Sabado, Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion. Ayon sa militar, ang turnover ay resulta ng koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan.
Samantala, ayon kay Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang aktibidad ay bahagi ng pagpapatupad ng whole-of-nation approach sa pagtugon sa isyu ng ilegal na armas sa Central Mindanao.
Patuloy ang panawagan ng militar at mga lokal na pamahalaan sa mga indibidwal na may hawak ng loose firearms na makiisa sa programa ng pamahalaan para sa kaayusan at seguridad sa komunidad.

















